Mga empleyado ng San Miguel Corporation,binakunahan na rin kontra COVID-19
Nagsimula na rin ang ilang pribadong kumpanya na magturok ng bakuna sa kanilang mga empleyado.
Limandaang empleyado ng San Miguel Corporation ang binakunahan ng Sinovac ngayong araw dito sa greenhills sa Mandaluyong.
Sa kaniyang mensahe, hinimok ni San miguel President at CEO Ramon Ang , ang mga empleyado na huwag nang mamili ng mga branded na bakuna.
Mahalaga aniya na maturukan na lalo na ang kanilang mga essential worker para makabalik sa trabaho at manumbalik ang sigla ng ekonomiya.
Sinabi ni Ang na bukod sa bakuna na donasyon ng gobyerno, bumili ang kanilang kumpanya ng isang milyong bakuna para sa kanilang mga empleyado na aabot sa pitumpung libo.
Hindi lang daw kasi mga mangagawa ang maaring makaiwas sa COVID 19 kapag nabakunahan kundi ang kanilang mga pamilya.
Target ng SMC na makapagturok ng limang libong bakuna kada araw hind lang dito sa Mandaluyong kundi sa iba pang siyudad sa bansa.
Nakakalat na raw ang kanilang tatlong daang nurses at doktor para bilisan ang vaccination roll out ngayong pinayagan na ng gobyerno ang mga nasa A-4 category.
Personal namang pinasalamatan nina Health secretary Francisco Duque at Vaccine czar Carlito Galvez dahil sa pagpapairal ng kaniyang social responsibility at hindi na inasa sa gobyerno ang pagbabakuna.
Kinilala rin nila ang ambag nito at mga ibinigay na tulong sa gobyerno sa kasagsagan ng pandemya.
Meanne Corvera