Mga empleyado ng UN agency para sa Palestinian refugees sinibak dahil sa umano’y papel sa October 7 attack
Sinabi ng UN agency para sa Palestinian refugees, na sinibak nito ang ilan nilang mga empleyado na inakusahan ng Israel ng pagkakasangkot sa October 7 attack ng Hamas, na nagbunsod upang suspendihin ng Estados Estados ang pagkakaloob ng pondo.
Nangako ang pinuno ng ahensiya na si Philippe Lazzarini, na “papananagutin sa pamamagitan ng criminal prosecution” ang sinumang UNRWA employee na masusumpungang may bahagi sa ‘acts of terror.’
Bilang tugon naman dito, nangako si UN chief Antonio Guterres na magsasagawa ng “agaran at komprehensibong independent review ng UNRWA,” ayon sa kaniyang tagapagsalita na si Stephane Dujarric.
Sinabi ng US State Department, na “pansamantala nilang inihinto ang pagbibigay ng dagdag na pondo” sa ahensiya habang nirerepaso ang mga akusasyon maging ang plano ng UN na tugunan ang isyu.
Dagdag pa nito, labingdalawang kawani ang “maaaring sangkot.”
Sinabi ng foreign ministry ng Israel, na “inaasahan nito ang agarang imbestigasyon ng UNRWA sa pagkakasangkot ng kanilang mga kawani sa terror attack noong October 7.”
Ayon naman sa ambassador ng Israel sa United Nations na si Gilad Erdan, “the sackings proved long-standing claims that ‘UNRWA employees are collaborators’ of the terrorist organization Hamas.”
Ang relasyon sa pagitan ng Israel at UNRWA ay lalo pang nasira nitong nakalipas na mga araw, nang sabihin ng UN agency na ang tank shelling ng Israel ay tumama sa isang shelter para sa displaced people sa main southern city ng Gaza na Khan Yunis.
Ayon sa agency, daang libong displaced people ang naroroon sa shelter at ang pag-atake ng Israel nitong Miyerkoles ay ikinamatay ng 13 katao.
Nang tanungin tungkol sa insidente, sinabi ng Israeli army, “a thorough review of the operations of the forces in the vicinity is underway, we are examining the possibility that the strike was a result of Hamas fire.”
Kinondena ni Lazzarini ang nangyaring pag-atake noong Miyerkoles sa pagsasabing, “the bombardment is a blatant disregard of basic rules of war,” dahil ang compound ay malinaw na minarkahan bilang isang UN facility at ang coordinates nito ay ibinahagi naman sa Israeli authorities.
Ang Israeli army lamang ang may mga tangke na nag-o-operate sa Gaza Strip.
Kinumpirma ng isang UNRWA spokeswoman ang testimonya mula sa displaced people sa nasabing shelter.
Ang hindi inaasahang pag-atake ng Hamas noong October 7, ay nagresulta sa pagkamatay ng humigit-kumulang sa 1,140 katao sa Israel, na ang karamihan ay mga sibilyan batay sa official Israeli figures.
Kumuha rin ang mga militante ng nasa 250 hostages at ayon sa Israel humigit-kumulang 132 sa mga ito ay nasa Gaza pa rin, kabilang ang bangkay ng hindi bababa sa 28 patay nang mga bihag.
Ayon naman sa Hamas government health ministry, hindi bababa sa 26,083 Palestinians, humigit-kumulang 70 percent rito ay mga babae, mga bata, at adolescents, ang namatay sa Gaza Strip dahil sa pambobomba ng Israel at ground offensives.