Mga epalitiko , pinagbawalan ng NTF – against COVID-19 sa mga vaccination site
Pinaalalahanan ng National Task Force o NTF Against COVID- 19 ang mga politiko na mahilig umepal sa mga vaccination sites na huwag gamitin ang mass vaccination program ng pamahalaan para sa personal na interes kaugnay ng halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, hindi pinapayagan ang paglalagay ng mga streamer ng mga politiko sa mga vaccination site.
Ayon kay Galvez, kinikilala ng NTF ang tulong ng mga politiko para maisakatuparan ang mass vaccination program upang matapos na ang pandemya ng COVID-19 subalit hindi ito dapat gawing promotion sa kanilang political agenda.
Inihayag ni Galvez, hindi dapat na gawing puhunan ng sinumang politiko ang mass vaccination program para lang iboto sa halalan sa 2022.
Vic Somintac