Mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila bibigyan ng passing grade


Lahat ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay bibigyan ng pasadong marka.


Ito ang napagdesisyunan ng Board of Regents ng Pamantasan na magpatupad ng Alternative Grading System para sa 2nd semester.


Kasunod na rin ito ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa covid 19 kung saan maging mga klase ay suspendido na rin.


Sa ilalim ng sistemang ito, lahat ng estudyante na naka-enroll sa PLM ay bibigyan ng pasadong marka.


Pero kung ikaw ay isang graduating student at naka-enroll sa subject para sa Thesis Writing, dapat ay makapagsumite muna ito ng kanyang thesis.


Ang thesis adviser na lamang ang mag-a-apruba nito at hindi na kailangan pang sumailalim sa panel defense.


Kung ang estudyante naman ay naka-enroll para sa internship o on the job training, dapat ay makumpleto muna nito ang mga alternatibong assignment o activity na ibinigay sa kanya ng eskwelahan.


Nakasaad rin dito na ang passing mark na ibinigay ay hindi makakaapekto sa general average o para sa scholarship o academic honors.


Para naman sa pag-compute ng grado para sa mga may honor sa graduation, ito ay kukuhanin mula sa kanilang grado sa unang semestre.

Ulat ni Madz Moratillo

Please follow and like us: