Mga fans hindi papayagang manood sa pagsisimula ng Olympic torch relay
TOKYO, Japan (AFP) – Malamang na walang payagang sumaksi sa starting ceremony sa buwang ito para sa Olympic torch relay, ngunit maaari pa rin namang sumilip ang mga fans sa ruta ng relay.
Batay sa report, nangangamba ang organisers sa pagdagsa ng mga tao sa March 25 event sa Fukushima, kaya’t malamang na hindi na ituloy ang naunang plano na payagang sumaksi ang 3,000 spectators sa starting relay.
Hindi naman agad tumugon ang Tokyo 2020 organisers na magkomento tungkol sa report, na nagbanggit ng hindi pinangalanang source.
Naglatag na ang organisers ng mahigpit na mga panuntunan para sa nationwide relay, na ipinagpaliban noong 2020 matapos ang desisyon na i-postpone ng isang taon ang Olympics.
Mahigpit na ipagbabawal ang pag-cheer sa kahabaan ng relay route, at ang mga fans ay pinagsabihang sumilip lamang sa rutang malapit sa kanilang bahay at iwasang magtipon-tipon.
Gagawin pa ring mandatory ang pagsusuot ng mask, at ang mga fans ay sinabihang ipakita ang suporta sa pamamagitan na lamang ng pagpalakpak sa halip na pagsigaw o pag-cheer.
Maaari ring i-suspinde ang portions ng relay kung magkakaroon ng overcrowding.
Nahaharap pa rin ang organisers sa mga pagdududa kung ligtas bang ituloy ang Olympics ngayong summer, kaya’t naglabas sila ng isang rulebook na may iba’t-ibang virus countermeasures.
Mayroong set of rules na pagpapasyahan ngayong buwan, tungkol sa kung maaari bang dumalo ang foreign fans, at ang limit ng overall spectator na itatakda sa susunod na buwan.
© Agence France-Presse