Mga Filipino na tinulungang makaalis mula sa Ukraine, 382 na
Sinabi ng Department of Foreign Affairs, na 382 mga Pinoy ang tinulungan nitong makalabas sa Ukraine simula nang atakihin ito ng Russia.
Sa kanilang Twitter post kaninang umaga, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Sarah Arriola, na natulungan nilang makauwi sa bansa ang 330 mga Pinoy at 52 naman ang inilikas mula sa Ukraine.
Noong Marso 7 ay itinaas ng DFA ang Alert Level 4 sa Ukraine dahil sa mga pag-atake ng Russia. Ang crisis alert level ay nagbigay-daan para sa isang mandatory evacuation ng mga Filipinong naninirahan sa Ukraine, na naisagawa sa tulong ng gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ng DFA, na ang mga Pinoy ay tutulungan ng kanilang mga embahada sa Europe, kabilang ang Philippine Embassy sa Warsaw at Philippine Embassy sa Budapest para sa mga malalapit sa southern border ng Ukraine.
Una na ring sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na ang Overseas Filipino workers na na-displace dahil sa krisis ay makatatanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng $200 o P10,465 bukod pa sa educational at livelihood assistance.
Sa hiwalay namang Twitter post nitong Lunes, sinabi ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), na sampung milyon ang na-displace dahil sa giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon sa UN refugee agency, yaong mga naiwan sa Ukraine, gaya ng mga nasa Mariupol, Sumy, Odesa, at Donetsk, ay nahaharap naman sa kakulangan ng pagkain, tubig at gamot.
Ang UNHCR, kasama ng mga lokal na awtoridad at iba pang humanitarian groups, ay nagtayo ng reception centers, emergency shelters at nagkaloob ng suporta para sa border crossing points sa Ukraine. Tumutulong din ito sa pamamahagi ng relief items, maging ang pagkakaloob ng legal aid at psychosocial support.
Plano rin ng UNHCR na maglunsad ng isang “large-scale multi-purpose cash program” para sa internally displaced people.
Samantala, lumitaw sa UNHCR operational data portal na hanggang nitong March 20, higit 3.489 million na ang umalis sa Ukraine para manganlong sa mga katabing bansa simula noong February 24.
Higit dalawang milyong refugees ang nagtungo sa Poland, habang ang iba ay nasa Romania, Republic of Moldova, Hungary, Slovakia, Russian Federation, at Belarus. Sinabi ng UNHCR, na 90% ng mga umalis sa Ukraine ay mga babae at mga bata.
Ayon kay UNHCR spokesperson Matthew Saltmarsh . . . “UNHCR and other agencies have warned of increased risks of trafficking and exploitation. Given the very high protection risks, UNHCR and partners are disseminating key information and awareness raising messages to alert refugees of the risks of trafficking, exploitation and abuse.”