Mga first at second-level courts sa NCR at mga lalawigan na nasa ilalim ng GCQ, ipatutupad ang 30% to 50% skeleton workforce
Hanggang kalahati muna ng mga kawani ng mga Hukuman sa mga lugar na nasa GCQ ang inotorisang pumasok ng pisikal sa mga korte.
Ito ay bilang pagtalima sa kautusan ng gobyerno na isailalim sa mas mahigpit na GCQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, inatasan ang mga first at second-level courts sa NCR at sa apat na probinsya na inilagay sa GCQ na panatilihin ang 30% hanggang 50% skeleton workforce sa mga hukuman hanggang March 31.
Ang mga tauhan na wala in-court ay work from home at kailangan na magsumite ng accomplishment reports.
Hinimok din ang mga presiding judges na isagawa sa pamamagitan ng videoconferencing ang mga pagdinig sa halip na in-court proceedings.
Kung fully-remote videoconferencing hearing ang isinagawa ay dapat na magtungo sa korte ang presiding judge pagkatapos nito sakaling may urgent matters na mangangailangan ng kanyang personal na presensya.
Pinaalalahanan din ng Korte Suprema ang lahat ng mga hukom, court personnel, at court users na patuloy na mahigpit na sundin ang mga health protocols.
Moira Encina