Mga foreign policy expert nababahala sa pagpayag ni PBBM na dagdagan ang lugar sa bansa na magagamit ng U.S sa ilalim ng EDCA
Nagbabala ang mga foreign policy expert sa bansa na baka madamay ang Pilipinas sa umiinit na away ng Amerika at China.
Sinabi ni dating Presidential Spokesman at Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na hindi dapat pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na madagdagan pa ng apat na lugar sa bansa mula sa dating lima sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na pinirmahan noong 2014 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Inihayag ni Abella hindi malayong matulad ang Pilipinas sa Ukraine dahil sa pro-American na foreign policy ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon naman kay Foreign Policy Analyst Sass Rogando Sassot kailangang mag-ingat talaga si Pangulong Marcos Jr., sa pagpasok ng mga defense agreement sa Amerika dahil gagawin lamang tayong pawn sa napipintong giyera sa pagitan ng US at China dahil sa Taiwan.
Niliwanag ni Sassot na mismong nakasaad sa National Security Strategy Plan ng U.S. ang pagpasok sa giyera sa China dahil sa Taiwan sa loob ng sampung taong time frame.
Sinabi naman ni Herman Laurel President ng Asian Century Philippines Strategic Studies na kilala ang Amerika sa tinatawag na proxy war na ginamit sa Vietnam, Iraq at Ukraine para protektahan ang kanilang interest.
Ayon kay Laurel kung tutuusin ayaw ng China magkagiyera dahil 40 percent ng kanilang ekonomiya ay nakadipende sa Taiwan.
Inihayag ni Laurel na gustong pumasok ng Amerika sa giyera para makabangon ang kanilang ekonomiya dahil nakadepende ang kabuhayan ng US sa pagbebenta ng mga armas.
Nagtataka ang mga foreign policy expert kung bakit biglang nagbago ang foreign policy ni Pangulong Marcos Jr., na binitawan niya noong 2022 Presidential campaign na mula sa pagiging neutral ng Pilipinas ay naging makiling sa U.S.