Mga gamot para sa hostages at mga sibilyan patungo na sa Gaza matapos ang mga pag-atake
Inaasahan na magsisimula nang magdatingan ngayong Miyerkoles sa Gaza, ang mga gamot para sa Israeli hostages at Palestinian civilians sa ilalim ng isang deal na pinamagitanan ng Qatar at France, matapos ang isang gabi ng mapaminsalang mga pag-atake sa katimugang bahagi ng naturang teritoryo.
Binihag ng mga militante ang humigit-kumulang 250 hostage sa madugong pag-atake noong Oktubre 7 na nagpasimula ng digmaan, at humigit-kumulang 132 ang nasa Gaza pa rin, kabilang ang hindi bababa sa 27 na pinaniniwalaang napatay.
Sa isang pahayag sa official Qatar News Agency (QNA), inanunsiyo ng Doha nitong Martes ang isang kasunduan sa “pagitan ng Israel at (Hamas), kung saan ang mga gamot kasama ng iba pang humanitarian aid ay dadalhin sa mga sibilyan sa Gaza, kapalit naman ng delivery ng mga gamot na kailangan ng mga bihag na Israeli sa Gaza.”
Sinabi ng Qatari foreign ministry spokesman na si Majid Al-Ansari, na ang medisina at tulong ay aalis sa Doha ngayong Miyerkoles patungo sa Egyptian city ng El-Arish bago dalhin sa Gaza Strip.
Ang kasunduan ay kinumpirma rin ng tanggapan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Apatnapu’t limang hostages ang inaasahang makatatanggap ng gamot sa ilalim ng kasunduan, ayon sa French presidency.
Kapag dumating na ang mga gamot sa isang ospital sa southern Gaza border town ng Rafah ngayong araw, tatanggapin ito ng International Committee of the Red Cross, at hahatiin by batches at agad na dadalhin sa mga hostage.
An art installation calling for the release of Israeli hostages held in Gaza is seen near a sign reading ‘Bring Them Home’ in Tel Aviv / AHMAD GHARABLI / AFP
Dose-dosenang hostages ang pinalaya ng Hamas kapalit ng Palestinian prisoners na nasa kamay ng Israel, nang magkaroon ng isang ceasefire noong Nobyembre na pinamagitanan ng Qatar.
Sinabi naman ni US National Security Council spokesman John Kirby, na umaasa siya na ang mga pag-uusap na pinamamagitanan ng Qatar ay magbubunga ng isa pang deal sa malapit na hinaharap.
Samantala, iniulat ng health ministry sa Gaza, na 81 katao ang nasawi sa pag-atake ng Israel sa nakalipas na magdamag, kasama na ang sa main southern city ng Khan Yunis.
Displaced Palestinians sit around a fire next to a tent at a makeshift camp in Rafah on Tuesday / AFP
Ayon sa United Nations, halos 85 porsiyento ng 2.4 milyong katao sa Gaza ang nadisplace dahil sa giyera, na ang marami ay ipinagsiksikan sa mga shelter, kung saan nahirapan silang makakuha ng pagkain, tubig, fuel at medical care.
Bago maghatinggabi nitong Martes, sinabi ng mga saksi na nagkaroon ng pag-atake sa Nasser hospital sa Khan Yunis, sanhi upang magpanic ang daan-daang kataong nagkakanlong doon.