Mga gorilya sa US zoo, nagpositibo sa COVID-19
Ilang gorilya sa Zoo Atlanta sa southern US state ng Georgia, ang nagpositibo sa Covid virus.
Isinailalim sa pagsusuri ang western lowland gorillas, matapos mapansin ng zoo keepers na inuubo ang mga ito at may iba pang sintomas.
Sa paunang pagsusuri, may indikasyon na positibo ang mga ito sa SARS-CoV-2 virus na sanhi ng Covid-19, at ayon sa pahayag ng zoo, hinihintay nila ang resulta ng confirmatory tests mula sa National Veterinary Services Laboratory sa Ames, Iowa.
Ang mga gorilyang nanganganib na magkaroon ng komplikasyon ay binibigyan ng monocloral antibodies, at isinasailalim na rin sa testing ang buong populasyon ng 20 gorilya.
Ayon kay Sam Rivera, senior director ng animal health sa Zoo Atlanta . . . “The teams are very closely monitoring the affected gorillas and are hopeful they will make a complete recovery. They are receiving the best possible care.”
Dagdag pa ni Rivera . . . “We are very concerned that these infections occured, especially given that our safety protocols when working with great apes and other susceptible animal species are, and throughout the pandemic have been, extremely rigorous.”
Naniniwala ang mga taga zoo, na ang mga gorilya ay nahawa sa isang asymptomatic keeper, sa kabila nang ang mga trabahador doon ay fully vaccinated na at nakasuot ng personal protective equipment.
Ayon sa Atlanta Journal-Constitution, 13 sa mga gorilya sa zoo ang nahawaan kabilang ang 60-anyos na si Ozzie, ang pinakamatandang lalaking gorilya.
Ayon kay Rivera, si Ozzie ay nagpapakita ng mild symptoms ngunit hindi sila nagpapaka-kampante at araw-araw ang gagawin nilang pagsubaybay.
Inihayag ng Zoo Atlanta na pinayagan nilang gamitin ang Zoetis Covid vaccine na dinivelop para sa mga hayop, kung saan ibabakuna nila ito sa mga gorilya kapag gumaling na.
Babakunahan din nila maging ang mga orangutan, Sumatran tigers, African lions at clouded leopard.
Pahayag pa ng zoo . . . “While humans are known to be able to transmit the virus to animals such as gorillas, and these cases have occured at other zoos, there is currently no data to suggest that zoo animals can transmit the virus to humans. In any case, visitors did not pose a threat due to the distance between them and the primates’ habitat.”