Mga gusali at tanggapan sa Korte Suprema, isinasailalim sa disinfection
Maagang pinauwi ang mga opisyal at kawani ng Korte Suprema para bigyang daan ang disinfection at sanitation sa mga gusali at tanggapan doon.
Sa memorandum circular na inisyu ni acting Chief Justice Marvic Leonen, sinabi na ang gagawing paglilinis ay bunsod ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa Supreme Court.
Wala pang tugon ang SC Public Information Office kung ilan ang positibong kaso ng COVID-19 sa Korte Suprema.
Sinuspinde ang trabaho sa SC kaninang 12:30 ng tanghali at sinimulan ang disinfection kaninang 1:00 ng hapon.
Inatasan naman na magtalaga ng skeleton workforce ang essential offices tulad ng Judicial Records Office, Cash Collection and Disbursement Division, Fiscal Management and Budget Office, at Medical and Dental Services.
Ipinauubaya ng SC sa presiding justices ng appellate courts at executive judges ng mga korte sa NCR ang pagsasagawa ng sariling disinfection sa kanilang mga opisina at gusali.
Ito ay kapag ang infection rate sa mga korte ay hindi bababa sa 30% ng total workforce.
Iniutos din ng SC ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng judicial premises para maproteksyunan ang kalusugan ng lahat.
Moira Encina