Mga HMO ipinasasama na sa kontrol ng Insurance Commission
Pinaaamyendahan ni Senator Bong Go ang kasalukuyang insurance code ng bansa para protektahan ang mga pinoy na nag i invest sa health insurance.
Naghain na si Go ng Senate bill no 2133 para paamyendahan ang Insurance Code of 1978 para maisama na ang mga health maintenance organization o hmo sa regulatory coverage na minomonitor ng insurance commission.
Itoy para hindi matakot ang mamamayan na mag -invest sa medical insurance sa pangambang mabiktima lamang ng ilang bogus na insurance companies.
Inamin ni Go na hindi sapat ang kakayahan ng Philippine Health Insurance Corporation para sagutin ang gastusin sa pagpapaospital ng mga pasyente lalo ngayong may pandemya.
Iginiit ng senador na mahalaga ang pag- iinvest sa health security bilang pro active measure dahil mas marami ang nangangailangan ng medical insurance dahil sa COVID- 19.
Sa panukalang batas, isasailalim rin sa superbisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Insurance Commission para maregulate ang lahat ng financial service providers.
Kailangan kasi aniyang masiguro na ligtas mag-invest sa HMO at makatulong ang HMO na maimprove ang healthcare sa bansa, at protektahan ang publiko sa anumang krisis pangkalusugan.
Meanne Corvera