Mga indibidwal na sangkot sa smuggling ng mga imported na gulay, Iginiit na masampahan ng kaso
Nilinaw ni Senate president Vicente Sotto na hindi niya pa natatanggap ang listahan ng mga pangalan ng sinasabing tumatawag sa Department of Agriculture para pigilan ang pagsasampa ng kaso sa mga smuggler.
Ayon kay Sotto, nais raw siyang personal na makausap ni ASEC Federico Lesiste ng Department of Agriculture para personal na sabihin ang mga impormasyon.
Si Leciste ang nagbunyag sa pagdinig kahapon ng Senado na may mga makapangyarihang indibidwal ang tumatawag sa kanya para pigilan ang pagpupursige ng kaso laban sa mga smuggler.
Pero si Senador Christopher Bong Go, iginiit na kasuhan at ikulong ang lahat ng mapapatunayang sangkot sa smuggling ng mga imported na gulay.
Ayon sa Senador, hindi na nadadala ang mga gumagawa ng illegal sa customs kung totoo mang nakakalusot pa rin ang mga ito.
Mahigpit aniya ang bilin ng Pangulo na dapat managot sa batas ang mga iligal na nagpapalusot ng mga produkto.
Hindi aniya biro ang isyu ng smuggling dahil tinatayang nasa P 2.5 million kada araw ang nalulugi sa mga magsasaka dahil lang sa iligal na pagpasok ng mga imported na gulay.
Una nang nagreklamo ang mga magsasaka sa Benguet sa talamak na smuggling dahil pinapatay nito ang kanilang kabuhayan.
Una ng inamin ng Department of Agriculture na wala sa kanilang kakayahan ang hulihin ang mga smuggler dahil nasa kapangyarihan ito ng Bureau of Customs.
Meanne Corvera