Mga isdang makukuha sa Taal Lake, ligtas pa ring kainin – BFAR
Ligtas pa ring kainin ang mga isdang makukuha sa lawa ng Taal.
Ito ang lumabas sa isinagawang fish test sa lawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa nakalipas na 3 araw katuwang ang ang research arm ng ahensya.
Ayon kay Commodore Eduardo Gongona, BFAR National Director, nagpalabas na sila ng advisory tungkol sa nasabing pagsusuri.
Pero nilinaw ni Gongona na dapat buhay at hindi galing sa fishkill ang kakaining isda na nakuha sa lawa at dapat hugasan at lutuing mabuti.
Dapat din na maging maayos ang koordinasyon ng mga mangignisda sa lokal na pamahalaan dahil na rin sa mga ipinatutupad na lockdown sa mga danger zone.
“Kailangang mai-coordinate nilang mabuti yan para kung meron pang isasalba, isalba na nila. We’re just saying na ligtas kainin ang tilapia dyan basta’t hugasan at luting mabuti, wag muna yung kinikilaw siya”.
Samantala, kinumpirma rin ni Gongona na dahil sa mataas ang dissolve oxygen sa lawa ng Taal, nasa 50 metriko toneladang mga patay na isdang bangus ang lumutang sa lawa.
Dahil dito, inihahanda na ang BFAR at Agriculture Department ang ipapamahaging fingerlings sa mga naapektuhang mangingisda.
“Kapag clear na ang area, makipag-coordinate sila sa BFAR at tutulong kami at mamamahagi ng mga fingerlings, feeds and others na pwedeng maitulong sa mga mangingisda”.