Mga isyung tatalakayin sa oral arguments sa petisyon vs postponement ng barangay elections, inilatag na ng SC
Inilimita ng Supreme Court (SC) sa anim ang essential issues na tatalakayin sa oral arguments sa Biyernes, October 21 kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa batas na nagpapaliban sa halalang pambarangay.
Sa apat na pahinang advisory ng Korte Suprema, tinukoy na substantive issue ng Korte Suprema ay kung ang Republic Act 11935 o ang batas na nagpapaliban sa barangay elections ay labag sa Konstitusyon.
Kabilang sa nasabing isyu ay kung may kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng halalan.
Nais din ng mga mahistrado na ipaliwanag ng mga partido sa kaso kung ang pagpapaliban sa eleksyon ay paglabag sa right to due process at karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang barangay officials.
Isa pa sa isyu na gusto ng SC na mapagusapan sa pagdinig ay kung ang postponement ng barangay elections sa October 2023 ay katumbas ng legislative appointment ng incumbent na opisyal ng barangay.
Binigyan ng SC ang parehong petitioner na Atty. Romulo Macalintal at respondents na Office of the President at Comelec ng tig-20 minuto para iprisinta ang kanilang argumento sa mga isyu.
Pagkatapos nito ay susunod na ang interpelasyon o pagtatanong ng mga mahistrado.
Sa petisyon ni Macalintal na inihain sa SC, nais nito na ipatigil ang implementasyon at ipawalang bisa ang RA11935 dahil sa walang kapangyarihan ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Saligang Batas na mag-postpone ng barangay elections at palawigin ang termino ng panunungkulan ng barangay officials.
Tanging ang Comelec lang aniya ang may hurisdiksyon sa usapin sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Moira Encina