Mga Ivatan , hinikayat na maging reservist para proteksyunan ang soberenya ng bansa
Hinihimok ng Philippine Army ang mga Ivatan o mga residente ng Batanes na maging reservists.
Ang panawagan ay kasunod ng pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na nais niyang dagdagan ang presensya ng militar sa dulong hilagang bahagi ng bansa partikular ang mga isla na nakaharap sa Taiwan.
Ayon kay Lt. Gen. Roy Galido, hepe ng Philippine Army na sinusuportahan nila ang panawagan ng defense chief.
Aniya, ang magiging karagdagang tropa sa Batanes ay magsisilbing militia na makatutulong upang magbigay ng mga impormasyon lalo na sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Beijing dahil sa usapin sa West Philippine Sea.
Maaari silang italaga sa naval detachment sa Mavulis Island na pinakamalapit sa isla sa Southern part ng Taiwan.
Uninhabited o walang naninirahan sa Mavulis Island na nasa northernmost tip ng Batanes pero bantay-sarado ng militar.
Madalas din itong pinupuntahan ng mga lokal na mangingisda.
Maliban sa karagdagang presensya ng militar sa Batanes, nais ni Secretary Teodoro na magpatayo pa ng mas maraming military structures sa lalawigan para magsilbing territorial defense ng bansa.