Mga jail facilities ng BuCor, wala nang aktibong kaso ng COVID-19
Zero COVID case na ang mga kulungan na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa panayam ng programang ASPN, sinabi ni BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag na wala nang aktibong kaso ng COVID-19 sa mga BuCor jail facilities.
Naniniwala ang opisyal na ito ay dahil na rin sa epektibo at mahigpit na implementasyon ng health measures sa parehong tauhan at inmates para maiwasan ang hawahan ng sakit kahit congested ang mga kulungan.
Isa na rito ay ang duty scheme sa mga jail officers o guards para maiwasan na pumasok ang virus sa mga piitan.
Ilan pa sa mga paghihigpit sa BuCor ay ang pagbabawal muna sa conjugal o face-to-face visit.
Sa halip ang pinapahintulutan muna ay ang online o e-dalaw sa mga PDLs.
Pinag-aaralan naman aniya ng BuCor kung maaari nang payagan ang pisikal na pagdalaw lalo na kung fully-vaccinated na ang lahat ng inmates.
Inihayag pa ni Chaclag na nasa 14% na lang ng PDLs sa mga pasilidad ng BuCor ang hindi pa bakunado.
Sa pinakahuling datos ng kawanihan ay 86% na ng PDLs ang bakunado kontra COVID.
Kampante naman ang opisyal na pagdating ng Enero ng darating na taon ay nakakumpleto na ng bakuna ang lahat ng PDLs dahil nagpapatuloy ang BuCor sa pagkumbinsi sa mga ayaw magpaturok.
Kabilang sa mga penal farm at colonies na hawak ng BuCor ay ang New Bilibid Prison, Correctional Institution for Women, Sablayan Prison and Penal Farm, San Ramon Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, Leyte Regional Prison, at Davao Prison and Penal Farm.
Moira Encina