Mga kamag-anak ng mga namatay sa tinaguriang ‘Bloody Sunday,’ nakipag-pulong kay Justice Sec. Menardo Guevarra
Tiniyak ni Justice Secretary at AO 35 Task Force Head Menardo Guevarra sa mga kamag-anak ng mga aktibista na napaslang sa tinaguriang ‘Bloody Sunday’ na ginagawa nila ang buong makakaya para mabatid ang katotohanan sa kontrobersyal na police raid.
Humarap si Guevarra sa pamilya ng mga biktima sa CALABARZON raid at asawa ng labor leader na si Dandy Miguel kasunod na rin ng kahilingan ng mga ito na makausap ang kalihim.
Ayon sa DOJ, ipinaliwanag ni Guevarra sa mga ito kung papaano tatakbo ang special investigation ng AO 35 Committee.
Binigyang-diin ng kalihim na nakasalalay nang malaki ang imbestigasyon sa kooperasyon ng lahat ng mga partidong sangkot.
Hiniling ni Guevarra sa mga kamag-anak ng mga biktima na magtiwala sa integridad ng mekanismo ng task force at sa kakayanan nito na maggawad ng hustisya.
Siyam na aktibista ang namatay sa operasyon ng pulisya sa CALABARZON noong Marso 7.
Iniimbestigahan ng AO 35 comittee ang pangyayari dahil ang mga biktima ay miyembro ng cause-oriented groups na may lehitimong pinaglalaban.
Ang komite ay nilikha sa ilalim Administrative Order 35 na layong imbestigahan ang mga kasong may kaugnayan sa pagkawala, torture, at iba pang paglabag sa karapatan sa buhay,seguridad at kalayaan ng isang tao dahil sa kanilang adbokasiya gaya ng mga labor at peasant leaders.
Moira Encina