Mga kaso ng incestuous rape sa bansa, isa nang epidemya at state of emergency –Remulla
Tinawag na epidemya na walang bakuna at isa nang state of emergency ni Justice Secretary Crispin Remulla ang problema sa child sexual abuse partikular na ang incestuous rape sa bansa.
Nitong Biyernes ay nagpulong ang iba’t ibang kinatawan ng DOJ, DILG, DSWD, DICT at NGOs kung saan tinalakay ang hakbangin para malabanan ang mga kaso ng incestuous rape sa bansa.
Batay sa National Baseline Study on Violence Against Children noong 2015, isa sa bawat 20 Pilipinong bata ay nakaranas ng sexual abuse kung saan ang perpetrator ay ang mismong kamag-anak ng biktima.
Sinabi ni Remulla na hangad nila na mapababa kung hindi man tuluyang mapatigil ang nasabing krimen na nangyayari sa loob ng pamilya.
Ayon sa kalihim, may mga mekanismo at may mga batas na sa child sexual abuse at kailangan lang ito maayos na maipatupad.
Aniya, kailangan ng pagtutulungan ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan at mga NGO para masimulan na ang seryosong paglaban sa nasabing malaking problema ng incestuous rape.
Tutulong ang DICT para sa information campaign habang ang DSWD ay makakatuwang sa monitoring ng mga kaso at pagbibigay tulong sa mga biktima.
Ang DILG naman ay makikipagdayalogo at maglalabas ng mga sirkular sa mga lokal na pamahalaan partikular sa mga opisyal ng barangay upang mapagbuti ang paguulat sa mga nasabing kaso.
Magiisyu rin ng mga kautusan si Remulla para sa mga tanggapan at kagawaran ng gobyerno para sa paglaban sa nasabing problema
Inihayag pa ng kalihim na magku-komisyon sila ng survey upang makumpirma ang mga kaso ng child sexual abuse and exploitation at incestuous rape.
Susulat din ang DOJ sa Korte Suprema para bumuo ng guidelines sa mga hukuman upang huwag na magkaroon ng aregluhan sa mga nasabing kaso.
Isa pa sa isusulong ng task force ay ang non- disclosure ng pagkakakilanlan ng mga nagsusumbong ng mga nasabing kaso.
Moira Encina