Mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban kay Kerwin Espinosa, ibinasura ng Manila RTC
Inabsuwelto ng hukuman sa Maynila si Kerwin Espinosa para sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives kaugnay sa mga baril na nasamsam sa sinasabing bahay nito sa Albuera, Leyte noong 2016.
Sa desisyon ni Manila Regional Trial Court Branch 16 Presiding Judge Janice Yulo- Antero, sinabi na ibinasura ang mga kaso dahil sa nabigo ang prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon laban kay Espinosa.
Ayon pa sa abogado ni Espinosa na si Atty. Raymund Palad, hindi rin napatunayan ng DOJ prosecutors na bahay mismo ni Espinosa ang lugar kung saan nakuha ang mga armas at pampasabog.
Bukod dito, binawi rin aniya ng testigo ng prosekusyon na si Marcelo Adorco ang mga naunang testimonya laban kay Kerwin.
Batay aniya kay Adorco ay inilagay lang ang mga baril sa bahay na tinutuluyan ni Kerwin mula sa bahay ng tatay nito na si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa at hindi ito pag-aari ni Kerwin.
Kaugnay nito, ipinagutos ng korte na palayain si Espinosa maliban na lang kung ito ay may iba pang kaso.
May apat pang nakabinbin na kaso laban kay Kerwin kung saan ang isa rito ay no bail kaya hindi pa ito makakaalis ng kulungan.
Ang dalawa rito ay illegal drugs cases na nakasampa sa Manila RTC at Baybay, Leyte RTC.
Nahaharap din sa dalawang anti- money laundering cases si Kerwin sa mga korte sa Pasay City.
Nakakulong sa Annex 4 sa Bicutan, Taguig si Espinosa.
Moira Encina