Mga kawani ng Sofitel hiniling na manatili ang trabaho nila sa hotel
Ikinabigla at ikinalungkot ng mga empleyado ng Sofitel Philippine Plaza ang anunsiyo nh biglaang pagsasara ng hotel.
Ayon sa mga empleyado, kuwestiyonable ang hakbangin ng hotel management na isara ang Sofitel gayong hindi naman lugi ang kumpanya.
Naniniwala ang mga kawani na pansamantala lang ang pagsasara ng hotel dahil isasailalim lang naman ito sa renovation.
Hanggang 2041 din anila ang kontrata ng hotel operator sa lupang kinatatayunan nito na pagmamay-ari ng Government Service Insurance System.
Dahil dito, umapela ang hotel workers na habang isinasaayos ang gusali ay manatili silang mga kawani hanggang sa magbukas muli ito at ibalik ang mga dati nilang benepisyo.
Nanawagan naman ang mga kawani ng panibagong dayalogo sa pamunuan ng hotel.
Kumbinsido rin ang mga kawani na ang pagbibigay ng mga benepisyo sa hotel workers ang tunay na isyu kaya nagpasya na ipasara ang Sofitel at hindi lamang bunsod ng renovation ng gusali.
Moira Encina