Mga korte sa MECQ areas, mananatiling pisikal na sarado hanggang sa Mayo 14
Pinalawig ng Korte Suprema ang lockdown sa mga hukuman sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ hanggang sa Mayo 14.
Ito ay matapos na panatilihin ng Malacañang ang MECQ status sa Metro Manila, Abra, Bulacan, Cavite, Laguna, Quirino, Rizal, at Santiago City, Isabela dahil pa rin sa mataas na kaso ng COVID-19.
Pisikal na sarado rin ang iba pang korte at judicial offices sa mga lugar na nasa ilalim ng localized ECQ o MECQ.
Maaaring ma-contact ang mga naturang korte sa kanilang opisyal na hotlines at email addresses na makikita sa website ng Korte Suprema.
Tuloy ang operasyon ng mga hukuman sa pamamagitan ng fully remote videoconferencing na dapat i-maximize para hindi maantala ang paglilitis ng kaso at court processes.
Inabisuhan din ng Korte Suprema ang mga hukom na magsagawa ng fully remote videoconferencing hearings sa lahat ng pending na kaso at lahat ng iba pang urgent at non-urgent matters.
Kailangan naman na magtalaga ng skeleton staff sa mga essential judicial offices sa mga apektadong korte.
Samantala, ang mga korte at judicial offices na nasa GCQ at MGCQ areas ay pisikal na bukas sa nasabing panahon.
Pero, 25% ng workforce lamang ang pisikal na papasok na dedeterminahin ng mga executive justices at presiding judges.
Maaari ding magdaos ng videoconferencing ang mga justices at judges mula sa kanilang tahanan sa GCQ at MGCQ areas basta ang mga ito ay nasa loob ng kanilang judicial territorial region.
Dapat ding abisuhan muna ng mga hukom sa first at second-level courts ang Office of the Court Administrator kung sila ay magsasagawa ng videoconferencing from home.
Moira Encina