Mga korte sa NCR Plus at iba pang nasa GCQ areas, pisikal nang bukas simula sa Mayo 17
Ipinagutos ng Korte Suprema ang muling pisikal na pagbubukas ng lahat ng mga hukuman sa NCR Plus at iba pang lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Sa administrative circular na pirmado ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na ang lahat ng first at second level courts, at appellate collegiate courts maliban sa Supreme Court ay pisikal nang bukas simula sa Lunes, Mayo 17.
Pero, ang pinapayagan lang na pumasok ay skeleton workforce na 30% hanggang 50%.
Maaari pa rin na magsagawa ang mga hukom ng fully-remote videoconferencing hearings sa mga GCQ areas basta may abiso sa Office of the Court Administrator at ang mga ito ay nasa kanilang judicial territorial region.
Samantala, mananatiling naka-lockdown ang mga korte at judicial office sa mga lugar na nasa ECQ at MECQ.
Tuloy naman ang operasyon ng mga nasabing hukuman sa pamamagitan ng fully-remote videoconferencing para hindi maantala ang paglilitis ng mga kaso at court processes.
Pinaalalahanan muli ang lahat ng mga mahistrado, hukom, at mga kawani na patuloy na mahigpit na sundin ang mga health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga korte.
Moira Encina