Mga kubol na binaklas sa Bilibid, umabot sa halos 3,000; Samantala, BuCor magsasagawa ng simulation para sa PDL voting sa barangay elections
Natapos na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagbaklas sa lahat ng kubol sa Maximum Security Camp sa New Bilibid Prison na halos 3,000.
Plano naman ng kawanihan na lagyan din ng CCTV ang mga tinutuluyan ng inmates para mapigilan na rin ang mga iligal na aktibidad sa loob ng piitan
Wala nang kubol sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prison.
Ito ang iniulat ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. kay Justice Secretary Crispin Remulla sa pagpupulong nila kahapon, Martes sa DOJ.
Ayon kay Catapang, kabuuang 2, 812 na kubol ang giniba mula sa 11 gusali sa Bilibid sa Operation Baklas mula August 16 hanggang September 4.
“So ang ginawa natin is tinanggal natin lahat dingding para kita and hopefully malagyan na rin natin ng cctv para sa ganun nakikita natin kung anong ginagawa nila even if they r inside their cubicles or kubol” pahayag ni BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr.
Tiwala si Catapang na mababawasan ang mga iligal na gawain sa piitan dahil mababantayan na ang mga preso.
“Open space ito tapos naglagay sila ngga partition nila but sa nakikita natin monitored kitang kita na sila and hindi sila na pwedeng gumawa ng illegal activities nagsusugla o illegal trading illegal drug and this will help a lot in improving the safety and security of the pdls” patuloy pa na pahayag ni Catapang
Inamin ni Catapang na sa ginawa nilang operasyon ay nabatid nila ang mga mayores ang may magaganda at malalaking mga kubol.
“Ang naapektuhan talaga ang mga mayores kasi.they want privacy daw ngaun natanggalan ung kanila sila ung malalaking kubol because they r mayores so they r given more privileges sa pagkakaroon ng magagandang kubol” dugtong pa aniya.
Kabilang naman sa “luxuries” na nasamsam ng BuCor mula sa mga kubol ng mga mayores ay cellphones, sariling router, WiFi, air coolers at mga damit.
“Kanya kanya silang tago then nagtataka bakit ang dami nilang baro dahil hindi naman sila lumalabas may sarili silang uniform” pagtakaka pa ni Catapang
Samantala, magsasagawa ng simulation ang BuCor para sa pagboto ng PDLs sa barangay elections.
Una nang nagpulong ang BuCor at ang Commission on Elections (Comelec) ukol sa PDL voting
Posibleng sa susunod na linggo isagawa ang simulation sa pagboto ng PDLs.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, 936 Bilibid inmates na rehistradong botante sa Muntinlupa City ang inaasahang boboto.
Sinabi ni Garcia na ito ang unang pagkakataon na boboto ang PDLs para sa barangay elections makaraan ang ilang postponement ng halalan at alisin ng Korte Suprema ang TRO sa pagboto ng inmates sa local elections.
“Kinakailangan pag-usapan namin kung paano papayagan sila na makaboto yung mga balota nila na kukuhanin sa ibat ibang presinto sa mismong siyudad at the sametime paano maibabalik mga balota sa mga presinto” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia
Moira Encina