Mga lansangan malapit sa parliyamento, hinarangan ng convoy ng protesters
Hinarangan ng isang convoy ng mga trak at campervans ang mga kalsadang malapit sa parliyamento ng New Zealand sa Wellington, para magprotesta laban sa Covid restrictions at pagbabakuna.
Daan-daang mga sasakyan na may nakaplaster na mga mensahe gaya ng “give us back our freedom,” ang pumarada sa mga kalsadang nakapalibot sa parliament building na kilala sa tawag na The Beehive.
Daan-daan din ang umikot sa gitna ng siyudad habang pinatutunog ang kanilang busina, habang higit sa isanglibong protesters naman na naglalakad ang nakinig sa mga talumpati.
Sinabi ni Prime Minister Jacinda Ardern, na wala siyang intensiyong makipag-usap sa mga nagpo-protesta, dahil majority naman ng aniya ng New Zealanders ang nagpakita ng kanilang suporta sa vaccination program ng gobyerno.
Aniya . . . “Ninety-six percent of New Zealanders have gone out and got a vaccination, which has enabled us to live now with fewer restrictions because of the extra protection that has provided.”
Ang covid vaccinations ay mandatory para sa mga taong nagtatrabaho sa ilang sektor sa New Zealand, gaya sa kalusugan, law enforcement, education at defence.
Umiiral din ang isang pass system, kung saan ang mga tao ay inaatasang magpakita ng proof of vaccination para makapasok sa restaurants, sports events at religious services.
Hindi naman siya required sa public transport, supermarkets, sa mga eskuwelahan at sa pag-access ng health services.
Hindi sinabi ng organisers ng Wellington convoy kung hanggang kailan sila mananatiling nakaparada at haharangan ang siyudad.
© Agence France-Presse