Mga larong malapit sa mga Pilipino

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Bilang paggunita sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, balikan natin ang mga laro na malapit sa puso nating mga Pilipino.

Ang mga larong ito ang naging daan upang ma-develop ang ating determinasyon, disiplina sa katawan at sa pag-iisip, maging ang kakayahang magkaroon ng olympic spirit.

Anu-ano nga ba ang ilan sa mga larong Pinoy na ito na naging bahagi ng ating kabataan at malimit nating salihan?

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Nariyan ang sipa, isang tradisyunal na laro ng mga Pilipino na may hindi bababa sa dalawang manlalaro. Kilala rin ito bilang sepak takraw at naging Pambansang Laro ng Pilipinas hanggang noong 2009.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Ang piko, ay isang tanyag na laro na ginagamitan ng pamato at pagtalon-talon sa mga numeradong kahon.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Tatlo hanggang siyam naman ang manlalaro ng tumbang-preso, isa ang tagabantay at ang iba ay magtatangkang patumbahin ang isang lata mula sa malayong distansiya sa pamamagitan ng paghagis ng tsinelas.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Ang luksong-tinik ay para sa tatlo o higit pang manlalaro at puwede itong laruin sa loob ng bahay o sa labas. Isang bersiyon naman ng luksong-tinik ang luksong-baka na puwedeng laruin ng dalawa o higit pa.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Isa sa pinakasikat ay ang patintero na nilalaro sa labas ng bahay at kadalasan ay may dalawang grupo ng mga manlalaro. Ang larong ito ay nangangailangan ng estratehiya at liksi para manalo.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Sa langit-lupa naman, may dalawang uri ng manlalaro. Ang isa ay nakapuwesto sa mataas na lugar (langit), habang ang isa ay nasa ibaba (lupa), sa pagpapatuloy ng laro ay maaaring magkapalit sila ng puwesto.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Ang dama ay lokal na bersiyon ng chess. Kalimitan ay tansan (takip ng bote), o maliliit na bato ang ginagamit dito.

Photo courtesy of Phil. Olympic Committee FB page

Hide-and-seek o sa lokal na bersiyon ay tagu-taguan. Mas masaya itong laruin kapag papalubog na ang araw o kaya ay sa gabi, dahil mas malaki ang hamon nito sa taya na maghahanap sa mga magtatago.

Maaaring marami pang larong Pinoy kayong alam na hindi pa kasama rito, na ang ilan marahil ay nakikita pa nating nilalaro ng mga kabataan ngayon subali’t ang karamihan ay tila nakalimutan na.

Kayo, anong larong pinoy ang pinakamadalas ninyong laruin at/o salihan?

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *