Mga lider ng Japan at South Korea, inimbitahan ni Biden sa US
(L to R) US President Joe Biden, Japan’s Prime Minister Fumio Kishida, and South Korea’s President Yoon Suk Yeol pose for photos ahead of their trilateral meeting during the G7 Leaders’ Summit in Hiroshima on May 21, 2023. (Photo by Brendan SMIALOWSKI / AFP)
Sinabi ng isang senior administration official ng US, na inimbitahan ni US President Joe Biden ang mga pinuno ng Japan at South Korea, para sa pormal na three-way talks sa Washington.
Saglit na nagkita ang mga ito sa sideline ng G7 summit, kung saan inimbitahan ng host na Japan ang South Korea.
Matatandaan na ang Tokyo at Seoul, na parehong pangunahing kaalyado ng US, ay matagal nang nagkakasalungatan sa mga isyung nauugnay sa brutal na kolonyal na paghahari ng Japan noong 1910-1945 sa Korea, kabilang ang sekswal na pang-aalipin at sapilitang paggawa.
Ngunit si South Korean President Yoon Suk Yeol at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ay nagsagawa ng aktibong pagsisikap na ibalik ang nasirang ugnayan, mula nang ipahayag ng Seoul ang isang plano upang bayaran ang mga naapektuhan ng sapilitang paggawa noong panahon ng digmaan.
Sinabi ng nabanggit na opisyal na ang oras para sa pulong ay pag-uusapan “sa lalong madaling panahon.” Wala na itong ibinigay na karagdagang mga detalye.
Nauna rito, nagsagawa ng makasaysayang pagbisita sina Yoon at Kishida nitong Linggo sa isang memorial para sa mga Koreanong nasawi sa atomic bombing sa Hiroshima.
Ito ang unang pagkakataon na ang mga pinuno ng dalawang bansa ay magkasamang bumisita sa memorial, at pangalawang beses pa lamang na ginawa ito ng punong ministro ng Japan.
Sa isang bilateral meeting pagkatapos ng kaniyang pabisita ay sinabi ni Yoon, “This will be remembered as a courageous action by Prime Minister Kishida that paves the way for a peaceful future while expressing grief for the Korean victims of the atomic bombing.”