Mga local executive, pinapanagot sa hindi maayos na vaccination procedures sa panahon ng ECQ
Pinaalahanan ng Malakanyang ang mga local government executive na ayusin ang mga vaccination site sa kanilang nasasakupan sa panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na maaaring maharap sa kasong dereliction of duty ang mga local executive kung magpapabaya ang mga ito sa kanilang pananagutan na matiyak ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos dagsain ng tao ang ilang vaccination sites sa Metro Manila isang araw bago ang pagpapatupad ng ECQ sa NCR dahil sa kumalat na fake news na hindi palalabasin at hindi bibigyan ng ayuda ang mga hindi bakunado.
Ayon kay Roque dapat ilagay sa kaayusan ang rollout ng bakuna sa panahon ng ECQ sa NCR upang maiwasan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID 19.Inihayag ni Roque na target ng gobyerno na mabakunahan ang 4 na milyong indibiduwal sa NCR habang umiiral ang dalawang linggong ECQ.
Vic Somintac