Mga lugar na napinsala ng bagyong Agaton, binisita ni Pangulong Duterte
Binisita ni Pangulong Rodtigo Duterte kasama si Senador Christopher Bong Go ang mga biktima ng bagyong Agaton sa Baybay city sa Leyte noong Biyernes, Abril 15.
Kinumusta ng Pangulo ang kalagayan ng mga ito na pansamantalang tumutuloy sa Baybay city Senior High-school at nagbigay ng mga pagkain gaya ng canned goods.
Nagtungo rin ang Pangulo at si Senador Go sa Western Leyte Provincial hospital para kumustahin ang kalagayan ng mga residenteng nabiktima ng pagguho ng lupa.
Tiniyak ng Pangulo na nakatutok ang pamahalaan at sinigurong bibigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya.
Sinabi naman ni Go na walang sasagutin sa pagpapagamot ang mga biktima dahil sasagutin aniya ng Malasakit center ang kanilang gastusin sa ospital.
Bago naman ang pagbisita ng Pangulo at Senador Go ay nagsagawa sila ng aerial inspection sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at inalam ang lawak ng naging pinsala sa mga imprastraktura.
Nakipagpulong rin sila sa mga lokal na opisyal doon para sa mas mabilis na paghahatid ng tulong sa mga sinalanta ng kalamidad.
Personal din na nagpasalamat ang pangulo sa mga medical frontliners at mga volunteers dahil sa mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga tinamaan ng kalamidad.
Meanne Corvera