Mga lugar na posibleng tamaan ng bagyong may international name na Mangkhut, pinaghahanda na ng Malakanyang
Ngayon pa lamang ay naglabas na ng babala ang Malakanyang sa mga lugar at residente na possibleng tamaan ng super typhoon na may International name na Mangkhut.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na kailangang paghandaan ang papalapit na bagyo na maaaring manalasa sa bansa.
Ayon kay Roque kailangang ihanda ang mga emergency kit at humanap na ng mga ligtas na lugar gaya ng paglipat sa mga kamag-anak upang hindi na magsisikan sa mga evacuation centers.
Inihayag ni Roque na ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC at Department of Social Welfare and Development o DSWD katulong ang mga local government units ay naghahanda narin sa pagpasok ng bagyong Mangkhut.
Idinagdag ni Roque ang pananalasa ng mga kalamidad tulad ng bagyo ay hindi na bagong bagay sa sambayanang Filipino.
Ulat ni Vic Somintac