Mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz nasa ilalim na ng Witness Protection Program
Inilagay na sa Witness Protection Program ng DOJ ang mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz na napatay ng mga pulis Caloocan nang manlaban matapos mangholdap ng taxi driver.
Ayon kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, isinailalim na sa provisional coverage ng WPP sina Carlito at Eva Arnaiz alinsunod sa kautusan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Kailangan lumagda sa memorandum of agreement ng mag-asawa sa DOJ bago nila matanggap ang seguridad at benepisyo sa ilalim ng RA 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act.
Ilan sa mga benepisyo bukod sa seguridad ay pananatili sa safe house, monthly allowance, hospitalization at gamot at iba pang prebilehiyo.
Una nang iniutos ni Aguirre sa NBI na imbestigahan at mag-case build up sa kaso ng pagpatay kay Carl Angelo.
Ulat ni: Moira Encina