Mga magulang ni Mary Jane Veloso nagpasaklolo sa Korte Suprema para payagan na makunan ng out-of-court testimony ang kanilang anak laban sa mga itinuturong illegal recruiters nito
Dumulog sa Korte Suprema ang mga magulang ni Mary Jane Veloso para makuhanan ng out-of-court testimony ang kanilang anak laban sa mga itinuturong illegal recruiters nito.
Sa kanilang petisyon, hiniling nina Cesar at Celia Veloso na baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals na huwag payagan ang pagkuha ng deposition o out-of-court testimony kay Veloso na nakakulong sa Indonesia.
Ang deposition ay gagamitin sana sa kasong inihain ng DOJ laban sa mga itinuturong recruiters ni Veloso na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na parehong nahaharap sa kasong large scale illegal recruitment.
Kaugnay nito, nais din ng pamilya Veloso na pigilan ng Korte Suprema ang Santo Domingo, Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 88 na ituloy ang pagdinig sa kasong isinampa laban sa mga recruiters ni Mary Jane hanggat hindi nakukuha ang kanyang testimonya.
Batay sa ruling ng CA, sa mga kriminal na kaso ay walang batas o patakaran na pumapayag sa pagkuha ng deposition sa pamamagitan ng written interrogatories.
Karapatan at bahagi ng due process din anila ng kalabang partido na maisalang sa cross examination ang testigo laban sa kanila.
Paliwanag pa ng CA, alinsunod sa Treaty on Mutual Legal Assistance in Criminal Matters kung saan signatories ang Pilipinas at Indonesia, maari hilingin ng gobyerno ng Pilipinas sa pamahalaan ng Indonesia na payagan si Veloso na pansamantalang bumiyahe sa Pilipinas para makatestigo sa korte.
Ulat ni Moira Encina