Mga mahilig uminom ng alak, malaki ang posibilidad na dapuan ng COVID-19
Nagpaalala ang World Health Organization (WHO) na kailangang limitahan ng tao ang pag-inom ng alak lalo na ngayong nararanasan ang pandemya ng COVID-19.
Ito ay dahil sa mapatataas ng pag-inom ng alak ang posibilidad na dapuan ng COVID-19 na maaaring humantong pa sa malalang kundisyon.
Iniuugnay din ng WHO ang pag-inom ng alak sa ibat-ibang communicable at non-communicable diseases, o mga sakit na nakahahawa at hindi nakahahawa.
Ayon pa sa WHO, magpapahina rin sa resistensya ng katawan ang malabis na pag-inom ng alak na magiging sanhi upang dapuan ng virus ang tao.
Bukod dito, maaari ring magpalala ng mental health issues ang pag- inom ng alak at makapagbago ng pag-uugali ng isang tao tulad ng pagiging bayolente lalo na sa mga bansang nagpapatupad ng social distancing measures kung saan ang marami ay nananatiling naka-quarantine sa kanilang tahanan.
Ayon pa sa WHO, may tatlong milyong pagkamatay ng tao sa buong mundo kada taon ang iniuugnay sa alcohol, kahit wala pang pandemic na nararanasan.
Belle Surara