Mga mamamayan hinimok ng Taiwan na iwasang magtungo sa China, Hong Kong at Macao
Hinimok ng Taiwan ang kaniyang mga mamamayan na iwasan ang pagbiyahe sa China at sa semi-autonomous Chinese territories ng Hong Kong at Macao, kasunod ng mga banta mula sa Beijing na bibitayin nito ang mga susuporta sa kanilang pagsasarili.
Ang advisory ay ipinalabas ng tagapagsalita at deputy head ng Mainland Affairs Council na si Liang Wen-chieh.
Ang advisory ay sa gitna na rin ng tumataas na mga banta mula sa China, na umaangkin sa Taiwan bilang teritoryo nito, na puwersahan nila itong sasakupin kung kinakailangan.
Ang banta ng China na tugisin at patayin ang “hardcore” independence supporters, ay kasunod ng pagkakahalal bilang pangulo ni Lai Ching-te ng pro-independence Democratic Progressive Party (DPP).
Itinigil na ng China ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Taiwan mula nang mahalal noong 2016 si dating pangulong Tsai Ing-wen ng DPP, na tumangging i-endorso ang kahilingan ng Beijing na kilalanin ng Taiwan ang sarili bilang bahagi ng China, na nakikitang pasimula ng political unification sa pagitan ng magkabilang panig.
Sinabi ni Liang, “In response to the new guidelines related to the so-called ‘secession crime,’ the government has the responsibility to remind citizens that there are genuine risks involved in such visits.”
Hindi naman ipinagbabawal ng gobyerno ang pagbiyahe, ngunit yaong mga bibisita sa China, Hong Kong at Macao ay hindi dapat na magpahayag ng political opinions o magdala ng libro o magpost online ng mga topic na maaaring magamit ng authoritarian Communist Party upang sila ay ikulong o posibleng kasuhan.
Daang libong Taiwanese ang naninirahan sa China o bumibiyahe doon kada taon para sa kanilang mga negosyo, o kaya ay para mamasyal o bisitahin ang kanilang pamilya.
Naging host na rin ang China sa bumibisitang local Taiwanese officials at mga lider ng opposition na Nationalist Party, na pumapabor sa unti-unting pagsasanib ng magkabilang panig.
Ang magkabilang panig ay kapwa nag-o-operate ng direct flights at ang mainland Chinese ay pinapayagan ding bumisita sa Taiwan, bagama’t lubhang hinihigpitan ng Beijing ang turismo sa isla bilang paraan ng economic pressure sa gobyerno bukod pa sa banta nitong military exercises at ang araw-araw na deployment ng warships at military planes sa paligid ng isla.