Mga mamamayan ng Israel na higit 60 ang edad at medics, bibigyan ng 4th dose ng Covid vaccine
Kasunod ng rekomendasyon ng isang expert panel, sinabi ni Prime Minister Naftali Bennett na ang lampas 60 anyos na mga mamamayan ng Israel at medical teams, ay maaari nang bigyan ng pang-apat na Covid vaccination.
Aniya . . . “The citizens of Israel were the first in the world to receive the third dose of the Covid-19 vaccine and we are continuing to pioneer with the fourth dose as well.”
Ang pahayag ni Bennett ay ginawa kasunod ng pulong ng ministerial coronavirus cabinet ng Israel, kaugnay ng lumalawak na pangamba tungkol sa pagkalat ng Omicron variant.
Tinawag ng premier ang desisyon ng Pandemic Expert Committee na ituloy ang pang-apat na dosis, na isang “kahanga-hangang balita na tutulong sa mga taga Israel na malampasan ang Omicron wave na kumakalat na sa mundo.”
Ayon naman sa health ministry ng Israel, maaari nang bigyan ng 4th dose ang mga taong immunodeficient, mga matatanda at medical teams kung ang kanilang third dose ay naibigay makalipas ang hindi bababa sa apat na buwan.
Sa pahayag mula sa tanggapan ni Bennett, nakasaad na inatasan na nito ang health ministry na paghandaan ang “widespread (vaccination) operation.” (AFP)