Mga may-ari ng M/T Princess Empress at tauhan ng MARINA, pinakakasuhan ng DOJ
Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kaso sa korte ang mga may-ari ng M/T Princess Empress halos isang taon matapos itong lumubog na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at mga kalapit na lugar.
Ayon sa DOJ, nakitaan ng sapat na ebidensya ng prosekusyon para kasuhan sa korte ng falsification of public documents ang RDC Reield Marines Services, Inc na may-ari at operator ng M/T Princess Empress.
Sinabi ng DOJ na nadiskubre ng panel of prosecutors na pineke ang mga dokumento ukol sa konstruksyon at certificate of public convenience ng M/T Princess Empress.
Pinakakasuhan din ng DOJ ang corporate officers ng barko, isang tauhan ng MARINA at isang pribadong indibiduwal para sa palsipikasyon ng public documents at paggamit ng falsified documents.
Ibinasura naman ng panel ang mga reklamo laban sa iba pang respondents kabilang sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard dahil sa kawalan ng probable cause.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong Inihain ng NBI sa DOJ laban sa ship owners at iba pang respondents noong Hunyo ng nakaraang taon
Moira Encina