Mga may-ari ng sasakyan oobligahing magpakita ng proof ng parking space bago marehistro ang mga sasakyan sa LTO
Oobligahin na ang mga may-ari ng sasakyan na magpakita ng larawan o katunayang may parking space o garahe bago payagang iparehistro ang kanilang sasakyan sa Land Transportation Office.
Naghain si Senador Joel Villanueva ng Senate bill 925 o no garage no car bill na layong matigil na ang pagpapark ng mga sasakyan sa mga sidewalk o gilid ng mga kalsada na nagpapabagal sa daloy ng mga sasakyan.
Sa pag-aaral kasi aniya ng Japan International Coordination Agency o JICA, aabot sa 3.5 billion pesos ang nawawalang oportunidad kada araw dahil sa traffic sa Metro Manila.
Sa panukala, paiiralin ang no garage, no car sa Metro Manila, at mga siyudad ng Angeles, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga at Olongapo.
Sakaling maging batas, sa mga nabanggit, na lugar, pagbabawalan ang LTO na irehistro ang sasakyan kapag walang katibayan na ang may-ari ng sasakyan ay may garahe.
Kapag nakalusot, maaaring managot ang opisyal o kawani ng LTO at papatawan ng tatlong buwang suspensyon at walang suweldo.
Ang motorista na magsisinungaling sa LTO ay pagmumultahin ng 50 thousand pesos sa bawat paglabag.
Tatlong taon din na sususpendihin ang kanilang drivers license at rehistro ng kanilang sasakyan.
Meanne Corvera