Medical frontliners sa Covid-19 referral hospitals sa NCR, Cebu at Davao City, prayoridad sa Covax facility ng WHO
Tiniyak ni National Task Force (NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na unang makikinabang sa anti COVID 19 vaccine na darating sa bansa ngayong Pebrero mula sa Covax Facility ng World Health Organization (WHO) ang medical frontliners sa mga COVID 19 referral hospital sa Metro Manila, Cebu City at Davao City.
Sinabi ni Secretary Galvez na ito ay pagsunod sa kondisyon ng Covax Facility ng WHO na magbibigay sa bansa ng 5 milyong doses ng Pfizer anti COVID 19 vaccine na kailangang unahin ang mga medical frontliner para mapanatiling matatag ang health care response team ng bansa.
Ayon kay Galvez isinasapinal na ng Department of Health (DOH) ang masterlist ng medical frontliners na unang makikinabang sa anti COVID 19 vaccine mula sa Covax Facility ng WHO.
Inihayag ni Galvez kasama sa first priority sa anti COVID 19 vaccine ang medical frontliners sa Philippine General Hospital sa Lungsod ng Maynila, East Avenue Medical Center sa Quezon City, Dr. Jose Natalio Rodriguez Memorial Medical Center at Tala Hospital sa Caloocan City na pawang COVID 19 referral hospital kasama ang nasa Cebu City at Davao City.
Vic Somintac