Mga miyembro ng KADAMAY hindi pa nakakasiguro na mapapasakanila ang bahay ayon sa Malakanyang
Nilinaw ni Cabinet Sec. Leoncio “Jun” Evasco na hindi pa agad maibibigay sa mga miyembro ng KADAMAY ang kanilang inagaw na mga pabahay sa Bulacan na nakalaan sana sa mga sundalo at pulis.
Sa kabila ito ng naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hayaan na sa mga KADAMAY ang bahay ng mga sundalo at pulis tutal naman ay mahirap din sila at para maiwasan na ang kaguluhan.
Sinabi niEvasco na siya ring chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council O HUDCC na kailangan pang magkaroon ng evaluation sa mga KADAMAY member kung kuwalipikado talaga silang mabigyan ng pabahay at kung hindi pa sila nagawaran ng housing unit noon pero ibinenta o ipinauupa lamang sa iba.
Ayon kay Evasco may legal question din sa paglilipat ng housing title dahil unang nailaan ang pondo sa mga sundalo at pulis.
Inihayag ni Evasco na kailangang maisaayos muna ang proseso at masunod ang batas para hindi sila makasuhan ng technical malversation of public funds kung basta na lamang ililipat ang pagmamay-ari ng mga pabahay sa KADAMAY.
Iginiit ni Evasco malinaw ang guidance ni Pangulong Duterte na pag-aralang mabuti ang sitwasyon para maiwasan ang gulo at matugunan ang pangangailangan ng mga aniya’y ‘poorest of the poor’ nating mga kababayan.
Ulat ni: Vic Somintac