Mga miyembrong mahistrado ng SET at HRET, itinalaga
Nagtalaga si bagong Chief Justice Alexander Gesmundo ng mga miyembrong mahistrado sa Senate Electoral Tribunal (SET) at House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Sa special order na inisyu ni Gesmundo, muling hinirang na SET Chairperson si Justice Estela Perlas -Bernabe at mga miyembro muli sina Justices Alfredo Benjamin Caguioa at Ramon Paul Hernando.
Mananatiling HRET Chairperson si Justice Marvic Leonen habang miyembro muli si Justice Rosmari Carandang at bagong hirang na miyembro si Justice Amy Lazaro- Javier.
Pinalitan ni Javier bilang HRET member si Gesmundo.
Ang parehong tribunal ay binubuo ng tig-siyam na miyembro kung saan tatlo sa mga ito ay mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ang mga miyembrong justices ng SET at HRET ay itinatalaga ng punong mahistrado.
Ang nasabing electoral tribunals ang sole judge sa lahat ng mga kaso o protesta kaugnay sa pagkahalal,boto, at kwalipikasyon ng mga kongresista o senador.
Moira Encina