Mga naapektuhan ng bagong Maring sa Dipolog City, tumanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan
235 pamilya mula sa Olingan, Dipolog City ang nakatanggap ng food packs na naglalaman ng bigas, pansit at de-latang pagkain mula sa pamahalaang lokal, sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Ang mga pamilyang nakatanggap ay mula sa Barangay De Oro, Corales at Fishermen’s Village na pinaka- apektado ng bagyong Maring na tumama sa Olingan, Dipolog City kamakailan.
Sinabi ni Wennie L. Tagapan, pangulo ng CFARMC (City Fisheries Aquatic Resources Management Council), na hindi biro ang matinding takot na kanilang naramdaman nang magsimulang umihip ang malakas na hangin at magsimulang tumaas ang alon.
Kinumpirma pa niya na 15 bahay ang bahagyang nasira, habang dalawa ang lubos na nawasak.
Kaya, ipinaalam agad ni Tagapan kay Mayor Uy ang sakuna at laking pasasalamat niya dahil agad naman itong kumilos at nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa nasabing pagbisita ng alkalde, kasama ng kanyang asawa, hindi nito nakalimutang magpaalala sa mga mamamayan na magpabakuna upang ang bawat isa ay may proteksyon laban sa COVID-19 virus.
Ipinangako din nya sa mga apektadong residente na susubukan nyang mabigyan sila ng pangkabuhayan at bahay na ligtas sa mga sakuna tulad ng bagyo.
Anj Tigolo