Mga nabakunahan kontra COVID-19 sa CALABARZON, higit 1.4-M na
Umaabot na sa mahigit 1.4 milyong indibidwal mula sa A1 hanggang A5 priority groups ang naturukan na ng anti- COVID- 19 vaccines sa CALABARZON.
Sa datos ng COVID-19 Vaccination Data Management Unit ng DOH CALABARZON noong July 4, kabuuang 1,412,429 ang nabakunahan na sa rehiyon kung saan 326,736 ang fully- vaccinated.
Batay pa sa tala, aabot na sa 1,758,788 bakuna ang natanggap na ng Region IV-A mula sa national government.
Kabilang sa mga nailaang brand ng COVID vaccines sa CALABARZON ay ang CoronaVac, AstraZeneca, Pfizer, at Sputnik V.
Pinakamarami sa mga ito ay ang CoronaVac na gawa ng Sinovac na mahigit 1.15 milyon doses.
Ang pagbabakuna ay isinasagawa sa 481 vaccination sites sa rehiyon.
Moira Encina