Mga nabakunahan laban sa COVID-19 sa CALABARZON, higit 4.26 milyon na
Lagpas na sa 4.26 milyon katao mula sa A1 hanggang A5 category sa CALABARZON ang naturukan na kontra COVID-19.
Sa datos ng COVID-19 Vaccination Data Management Unit ng DOH CALABARZON, kabuuang 4,264,777 ang nabakunahan ng una at ikalawang dose ng anti-COVID vaccines sa rehiyon.
Mula sa nasabing bilang ay 1,681,899 na ang fully vaccinated o katumbas ng 15% ng target na mabakunahan sa Region IV-A para makamit ang herd immunity.
Umaabot naman sa 2,582,878 ang partially vaccinated sa rehiyon.
Sa ngayon ay nasa 5.52 milyong bakuna laban sa COVID ang natanggap na ng CALABARZON mula sa nasyonal na pamahalaan.
Una nang tiniyak ng Malacañang na ang CALABARZON ang makatatanggap ng pinakamalaking alokasyon ng bakuna sa huling quarter ng taon o 17 million doses ng COVID vaccines.
Moira Encina