Mga nabakunahang healthcare worker sa Maynila, mahigit 1 libo na
Umabot na sa 1,034 ang bilang ng mga healthcare worker sa Maynila na nabakunahan kontra COVID-19.
Ayon sa Manila Health Department, ito ay mula lamang nitong Marso 2 hanggang 4 mula ng simulan ang vaccination program sa mga ospital sa Lungsod.
Kahapon may 6 na hindi naman muna binakunahan dahil sa mataas na blood pressure.
Ang mga ito ay pinababalik na lamang sa ibang araw para sila mabakunahan.
Sa unang araw ng vaccination ay maliit lamang ang bilang ng mga nagpabakunang health workers na nasa 153.
Pero kinabukasan ay tumaas ito sa 346 at kahapon sa ikatlong araw ng pagbabakuna ay nasa 535 ang naturukan.
Patuloy naman ang apila ni Mayor Isko Moreno sa mga health worker sa Maynila na huwag matakot at magpabakuna na.
Maging ang alkalde handa umanong magpabakuna ng Sinovac vaccine sa oras na payagan na sila.
Sa ngayon kasi ay prayoridad mabigyan ng bakuna ang healthcare workers.
Madz Moratillo