Mga nagparehistro para mabakunahan kontra COVID-19 sa San Juan City, nasa 15% pa lang ng populasyon ng lungsod
Mababa pa rin sa target ng San Juan City ang bilang ng mga residente na nagpaparehistro para mabakunahan laban sa COVID-19.
Sa kanyang liham kay Health Secretary Francisco Duque III, sinabi ni Mayor Francis Zamora na 18,602 pa lang o 15% ng populasyon sa lungsod ang registrants para sa COVID vaccination batay sa pinakahuling datos.
Anya malayo pa ito sa target ng City Government na 70% o 85,526 residente ay mabakunahan kontra COVID para makamit ang herd immunity.
Sinabi ng alkalde na mahigit isang buwan nang sinimulan ng lokal na pamahalaan ang online at offline registration, at puspusan na sila sa kampanya sa COVID vaccination pero kaunti pa lang ang San Juaneño na nais magpaturok laban sa virus.
Dahil dito, hiniling ni Zamora kay Duque na payagan na siya bilang mayor ang unang mabakunahan laban sa COVID-19 sa San Juan City
Batid anya na prayoridad ng gobyerno ang medical frontliners at healthcare workers sa pagbabakuna.
Pero layon anya ng hakbang na mapataas ang tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa vaccination process, at mahimok silang magpaturok din laban sa sakit.
Umaasa ang alkalde na aaprubahan ng DOH secretary ang kanyang kahilingan para makamtan ang mithiin nila na maging COVID-free ang San Juan City.
Moira Encina