Mga nagsusulong ng pirma para sa People’s Initiative , dismayado
Dismayado ang mga nagsusulong ng pirma para sa People’s Initiative sa kawalan ng suporta ng mga Senador sa Charter Change.
Sa Kapihan sa Manila Bay news forum, sinabi ni Noel Oñate, National Lead Convenor ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action o PIRMA, nakakalungkot na pinipigilan ng Senado ang direktang partisipasyon ng taong bayan para maamyendahan ang saligang batas.
Giit ni Oñate, ang paglagda ng mga tao para sa People’s Initiative ay patunay na sila mismo umano ang may gustong baguhin at pagandahin ang saligang batas.
Iginiit rin niya na walang kinalaman ang mga Kongresista rito.
Ang tanging koordinasyon lang aniya nila sa mga ito ay alamin ang sakop ng partikular na distrito ng Kongresista para sa kanilang pangangalap ng pirma.
Itinanggi naman ng mga nagsusulong ng People’s Initiative ang pag-aalok ng bayad kapalit ng pirma.
Target ng grupong makumpleto ang 12% na kinakailangang pirma sa loob ng 2 hanggang 3 buwan.
Madelyn Villar – Moratillo