Mga nakakulong sa bilibid pwede pa raw makipagkontrata para pumatay ayon sa isang Senador
Maari pa ring makipagtransaksyon ang isang nakakulong sa bilibid para mangontrata at iutos ang pagpatay sa isang nasa labas ng New Bilibid Prison katulad ng nangyari sa kaso ng mamahayag na si Percy Lapid.
Nauna nang inamin ng suspek sa pagpatay kay Lapid na si Joel Escorial na kinontak siya ni Crisanto Villamor na bilanggo sa NBP para patayin ang mamamahayag kapalit ng 550 libong piso.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na dating pinuno ng Bureau of Corrections, magagawa ito dahil malaya pa rin ang komunikasyon ng mga bilanggo.
Mas lumala pa nga aniya ang mga sindikato sa loob ng NBP at wala silang takot na gumawa ng mga karumal dumal na krimen dahil nakakulong na sila.
Personal niya raw itong naranasan noong siya pa ang pinuno ng BUCOR.
Humingi aniya ng tulong sa kanya noon ang isang mahistrado ng Supreme Court matapos itong pagtangkaan ng isang nakakulong na drug lord na papatayin kapag hindi nagdesisyon pabor sa kaso nito.
Ito aniya ang dahilan kaya nagpasa ng batas ang kongreso para magtayo ng isang ‘State of the Art na correction facility’ tulad ng ibang bansa.
May nakapending ng resolusyon si Senador Ramon ‘Bong” Revilla Jr., na humihiling na imbestigahan kung paano nakapag-ooperate ang mga nasa Bilibid, samantalang mahigpit ang seguridad doon.
Sabi ni dela Rosa, sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na Linggo, agad nilang bubusisiin ang isyu.
Kasama aniya sa kanilang iimbestigahan kung may mga kasabwat na opisyal o empleyado sa BUCOR ang mga bilanggo kaya patuloy na nakapag-ooperate.
Meanne Corvera