Mga nararanasan pagkatapos magpabakuna kontra COVID-19, natural lamang
Marami nang nabakunahan kontra COVID- 19 ngunit hanggang sa ngayon marami pa ring mga kababayan natin ang may agam agam sa pagpapabakuna.
Ito ang sinabi ni Dra. Felicidad Racquel Salvador-Tayag, Vice President, Phil. Society of Allergy, Asthma and Immunology o PSAAI sa panayam ng Balitalakayan.
Ipinaliwanag ni Tayag na kung maranasan ang pananakit ng braso, pamamaga, pamumula, hindi ito dapat ikatakot dahil ito ay isang palatandaan na ang bakuna ay gumagana o umeepekto na sa katawan.
Ayon pa kay Tayag, medyo mabagal pa rin ang rollout ng bakuna sa bansa, kaya sinisikap ng mga health experts na ipaliwanag sa mamamayan ang bentahe na sila ay mabakunahan upang matapos na ang nararanasang pandemya na dulot ng COVID 19.
Sinabi din ni Tayag na kung napabakunahan na ng first dose dapat na lalo pang mag ingat dahil ang first dose ng bakuna ay hindi pa agad gumagana sa katawan.
Aniya, kadalasan, mag po produce ng anti body o yung mga panlaban sa infection mga dalawang linggo pagkatapos na mabakunahan.
Kaya marapat lang aniya na patuloy na sundin ang mga health at safety protocols na ipinatutupad ng gobyerno tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at physical o social distancing.
Binigyang diin pa ni Tayag na mahalagang sundin ang schedule ng pangalawang dose ng pagpapabakuna at pagkatapos nito, dalawang linggo pang muli ang hihintayin bago mag develop ng immune response na ito ang magbibigay ng proteksyon sa katawan kontra COVID 19.
Belle Surara