Mga nasa likod ng pekeng video ni Pangulong Marcos na gumagamit ng iligal na droga, handang papanagutin ng DOJ
Kinondena ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapakalat ng pekeng video ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tila gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay DOJ Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano, hindi lang iresponsable kundi iligal din sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code ang produksyon at diseminasyon ng mga pekeng impormasyon.
Photo: Phil. News Agency
Sa ilalim aniya ng Article 154 ay maaaring magkaroon ng kriminal na pananagutan ang sinumang maglabas ng mga pekeng balita, na puwedeng makapinsala o magsapanganib sa public order at sa interes ng estado.
Dahil dito, sinabi ni Clavano na handa ang DOJ na gawin ang lahat ng hakbangin para matukoy at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pekeng video.
Hinimok din ng DOJ ang lahat ng indibiduwal at mga grupo na itigil ang nasabing makasariling akto na naglilihis sa mga tunay na isyu na kinakaharap ng bansa, at nagdudulot ng pagkalito at dibisyon sa publiko at sumisira sa interes ng bansa.
Moira Encina-Cruz