Mga nominado para sa posisyon ng Chief Justice sasalang sa public interview ng JBC sa August 16
Magsasagawa ang Judicial and Bar Council ng public interview sa limang nominado sa pagka-Chief Justice.
Itinakda ang public interview sa August 16 sa ganap na alas-9:00 ng umaga sa Division Hearing sa Korte Suprema.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, naka-live stream ang pagsalang sa JBC ng mga aplikante.
Apat sa mga nominado ay mga mahistrado ng Supreme Court na sina Associate Justices Lucas Bersamin, Teresita De Castro, Diosdado Peralta, at Andres Reyes Jr.
Naghain din aplikasyon sa puwesto si Tagum City Regional Trial Court Judge Virgina Tehano-Ang.
Unang sasalang sa JBC interview ng alas nueve ng umaga si Bersamin na susundan niba De Castro at Peralta.
Alas-2:00 ng hapon naman sina Reyes at Tehano -Ang.
Nabakante ang posisyon matapos mapatalsik si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto.
Higit na mababa ang bilang ng mga nominado ngayon kaysa noong 2012 nang mabakante ang posisyon ni dating Chief Justice Renato Corona kung saan 25 ang naghain ng aplikasyon.
Ang mapipili ni Pangulong Duterte mula sa shortlist ng JBC sa pagka-Punong Mahistrado ang magiging pang-24 na Chief Justice.
Ulat ni Moira Encina